Nanonood ng larong dice pinatay

riding-in-tandem

Patay ang isang lala­ki nang tambangan ng tatlong hindi pa nakikila­lang lalaki na riding-in-tandem habang nanonood ng la­rong dice, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Tadtad ng tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Richard M­a­nansala, nasa hustong gulang, alyas ‘Manok’ ng Brgy. San Miguel nang nasabing lungsod.

Hindi naman nakilala ang mga suspek na pa­wang nakamaskara at nakasakay sa isang motorsiklo na walang plaka na agad tumakas matapos ang pamamaril.

Base sa report ng pulisya, dakong alas-9:10 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa kahabaan ng Dr. Pilapil St., Brgy. San Miguel ng nasabing lungsod.

Nabatid na habang ang biktima ay nanonood ng larong ‘dice’ ay nilapi­tan ito ng tatlong suspek na nakatakip ng maskara ang mukha at makailang beses na pinagbabaril ang una.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad narekober ang apat na basyo ng bala at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Kasama rin umano sa drug watchlist sa lugar ang biktima.