Napag-iwanang Kaliwa Dam

Gaya ng dati, inabutan na naman tayo ng problema bago kumilos ang mga dapat na kumilos para nahanapan na sana ng lunas ang problema—ang kakulangan ng suplay sa tubig.

Pero linawin lang natin, ang water concessionaire na Manila Water ang nagkaroon ng problema sa suplay ng tubig sa kanilang mga nasasakupan nitong mga nakaraang linggo. Iba naman ang kompanyang Maynilad na wala namang na­ging aberya.

Sabi ng ating kurimaw na bihirang maligo at sinusuplayan ng Maynilad, nakatanggap siya ng abiso noon sa kompanya tungkol sa ilang oras na water interruption para sa aayusing tubo. Itinaon naman daw ang kawalan ng tubig ng 10:00 p.m. at nagkaroon naman kaagad ng tubig pagsapit ng 4:00 a.m., na tamang-tama raw sa oras ng pasok ng mga bata.

In short, mapalad itong ating kurimaw dahil sa Maynilad ang nagseserbisyo sa kanila. Samantalang ang mga kostumer ng Manila Water, may ilang lugar pa na hanggang ngayon eh tuyo na ang mga mata at minuta na sa kakahintay na may tumulong tubig sa gripo nila.

Ang mahirap nito, mayroon naman palang mga solusyon para hindi na nangyari ang nakakapang-init ng ulong problema kung nagawa lang sana kaagad. Gaya ng sinasabing treatment plant sa Rizal na maglilinis ng tubig na kukunin sa Laguna Lake pero ang nangyari—nganga. Siyempre may palusot na kung ano-anong dahilan ang mga nakatokang ayusin ang planta. Ngunit ang bottom line ‘ika nga sa mga dahilan, mga tao ang naperwisyo, napuyat, nainis at ­namantot.

Isa pang puwede raw sanang solusyon sa problema sa kakapusan ng tubig sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan ay ang gagawing ­Kaliwa Dam sa Quezon na popondohan ng China. Sinasabing noon pa inaasinta ang naturang proyekto na napagdaanan na ng ilang administrasyon bago naisara sa ilalim ni President Digong Duterte.

Marami raw ka­sing isyu sa dam na ito tulad ng mga katutubong maaalis sa kanilang mga lugar, pagkasira daw ng kalikasan sa mga matatamaang lugar, at may bahagi na dadaan umano sa fault line. Pero nadagdagan ngayon ng kontro­bersiya ang proyekto dahil sa tanong na, bakit China na ­naman ang nakakuha ng proyekto?

Lalo pa ngayon na lumitaw sa isang pulong na nag-alok din pala ang Japanese company na silang hahawak sa proyekto. Bagaman mas kaunti nang konti ang tubig na maiimbak sa planong disenyo ng dam na gagawin ng Japan [pitong metro ang taas ng dam] kumpara sa disenyo ng China [73 metro], ‘di hamak na mas mura daw ang gastos sa plano ng ­Japan [$410-M] ­kaysa sa plano ng China [$800-M].

Dahil mas maliit din lang ang sasakupin ng disenyo ng Japan, wala na raw mga taong kailangang paalis, mas ligtas at mas environment friendly. Kaya naman hinihiling ng Japanese company na ikonsidera at pag-aralan ng administrasyon ang kanilang mungkahi. Ang tanong ng ating kurimaw nang malaman ang plano ng Japan, bakit hindi iyon ang inaprubahan? Sabi naman ng isang opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), done deal na ang Kaliwa Dam para sa China dahil napirmahan na ni President Mayor Digong ang kontrata. Katunayan, magsisimula na raw ang konstruksyon nito sa Hulyo o Agosto.

Kumpara sa China na inaasahang matatapos ang dam sa loob ng apat na taon, ang disenyo ng Japan, isang taon lang daw ang bubunuin. Kaya kung tatagal pa ang problema sa kakapusan ng tubig at luma­lala pa ang matin­ding init ng panahon sa mga darating na taon na magdudulot ng problema sa imbak na tubig sa mga kasalukuyang mga dam, aba’y kapit lang mga bes at magdasal tayo na huwag tayong tipirin sa ulan.

Pero bago niyan, dapat sigurong magkaroon ng full transparency sa Kaliwa Dam para malaman ng mga tao kung bakit nga ba pinaboran ng disenyo ng China kaysa sa Japan. Alam kaya ito ni President ­Digong, o nabigyan siya ng maling impormasyon? Aba’y aba­ngan natin ang susunod na kabanata. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.

Rey Marfil