Napakasakit ng buwelta

Tapos na ang laban at hindi na maikakaila pa ang panalo ni Vice President Leni Robredo sa 2016 election base sa ­inilabas na resulta ng recount.

Matatandaang binigyan ng ­pagkakataon ang nagprotestang si Bongbong Marcos na siya mismo ang pumili ng tatlong ­probinsya kung saan siya ­dudang nadaya noong halalan ng 2016.

Kaso masaklap na katotohanan ang bumulaga sa mga pinili niyang probinsya (Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental) ­dahil lalong lumaki ang lamang ni ­Robredo. Nadagdagan kasi ito ng mahigit 15,000 na boto.

Malaking ­sampal ito sa mukha ni ­Bongbong at ng ­kaniyang legal team, na hanggang ngayon ay nagkukumahog pa rin para buhayin ang protestang kanilang inihain.

Ayon kasi sa Rules ng Presidential Electoral Tribunal, sa ­sitwasyong ito, dapat nang ibasura ang ­protesta.

Ito rin ang naging opinyon ng ­dalawang mahistrado, kabilang na ni Acting Chief ­Justice Antonio Carpio. Wika pa ni Carpio, dapat hindi hayaan si Marcos na gawing katatawanan ang proseso ng electoral protest dahil pinagbibigyan nito si Bongbong.

Nakakatawa at nakakainsultong isipin na isa na namang Marcos ang nagpupumilit na baluktutin ang sistema ng halalan para sa kapritso nito.

Hindi ba’t ginamit rin ng tatay ni Bongbong ang taktikang ito noong ideklara ang sariling nanalo sa snap elections. Mukhang totoong ipinagpapatuloy nga ng nakababatang Marcos ang legacy ng ama, tsk..tsk…
Ang nakakaloka ay dumadagundong na nga ang panawagan ng taumbayan na itigil na ang protesta.

Kaya dapat kumilos na ang SC sa halip na pansinin ang ngawa ni Bongbong.
Unang-una ang pagbabasura sa protesta ay base naman sa sarili nilang rules.

Hangga’t nagpapatuloy ito, araw-araw na iniinsulto ng isa na namang Marcos ang mandato ng taumbayan, na ipinagkatiwala kay Robredo.

Bawat araw na lumilipas ay nakakasagabal sa iba pang mahahalagang bagay na dapat pagtuunan ng pansin.

Ang tanging dapat gawin sa puntong ito ay ibasura na ng SC ang protesta dahil malinaw na si Leni Robredo ang nagwa­ging Bise Presidente, hindi lang minsan kundi dalawang ­beses na!