NAPAPALUHA si Randy Santiago tuwing ini-interview ito sa huling lamay ng namayapa niyang anak na si Ryan kamaka­lawa nang gabi.

Ibang-iba ito nang pumanaw ang kanyang ina na siya ang nag-asikaso ng lahat.

Umiiyak siyang ikinukuwento sa aming hirap na hirap siyang tapusin ang video presentation para sa necrological service na inihanda ng mga kaibigan ni Ryan.

Ipinakita ang mga naipon niyang pictures na nilapatan ng kantang Gone Too Soon.

Ani Randy, “Ako kasi ang mahilig mag-picture sa pamilya. Ako ‘yung laging may hawak na camera na kung anu-ano.

“Lahat ng okasyon, laging kuha ako nang kuha. Tapos, sasabihin ng mga barkada ko, ng pamilya ko, ‘Wala naman kaming nakikita sa mga pinagkukuhanan mo, eh.’

“Eh gusto ko lang i-treasure, eh. Sooner or later, nandu’n lang sa laptop ko lang naman lahat ng pictures.”

Nung ine-edit niya ito, naka-mute na lang ang audio para hindi niya marinig ang kanta.

Iyak na lang siya nang iyak.

“Ako ang nag-asikaso nu’ng namatay ang nanay ko. Pero I never­ cried. Gawa ako nang gawa, patawa pa nga ako pati sa eulogy namin.

“Pero ang hirap kapag anak mo na, eh,” dagdag niyang pahayag.

Ang sakit sa kanya na tanggapin ang pagpanaw ng kanyang anak dahil napakabait nito.

Humagulgol si Randy nang ibinahagi niyang mas inaalala pa ni Ryan ang mga gastos nila.

Halos tatlong taon silang labas-masok ng hospital para ipagamot ang sakit ni Ryan na Multiple Sclerosis.

Pumayat na ito nitong mga huling araw, kaya pinapakain nila ito nang husto.

“Sabi ko sa kanya, kumain ka nang kumain. Hindi ako magsasawang ipaglaban ka,” patuloy na kuwento ni Randy.

“Kasi, nahihiya na siya sa amin. Sabi niya ‘Papa, ang laki-laki na ng ginagastos mo.’

“Sabi ko, huwag mong intindihin ang ginagastos mo. Pray tayo sa Panginoon para magkaroon tayo ng trabaho, para maipaglaban ka.

“I’m very sure na hanggang ngayon iniisip niya na ayaw niya ka­ming pahirapan. Ayaw niya ‘yung mga yaya, kami mahirapan. Siyempre mahina na siya, pinapaliguan na lang siya.

“Hindi sa ayaw niyang mabuhay. Ayaw lang niyang maging burden sa pamilya,” umiiyak na salaysay ng singer­/actor at director na rin.

Empoy at Alessandra
Empoy at Alessandra

Napangiti lang si Randy nang kinuwento niyang nakapanood pa si Ryan ng Kita Kita.

Ikinuwento kasi ni Randy na napanood niya ang Kita Kita at sinabihan niya ang anak niya na hintayin na lang pag maipalabas sa cable para mapanood niya ito.

“Tamang-tama, nakalagay sa YouTube, ‘di ba?

“Hindi mo alam kung nakaganda ‘yun.

“Ang nangyari, napanood niya ang buong pelikula sa YouTube.

“Hindi ko alam kung magpapasalamat ako kung sino ang nag-upload nu’n, eh. Pero ‘yun, napanood niya, umiiyak siya.

“Tinext niya ang mga tita niya sa Amerika na panoorin daw ito, ang galing daw ni Empoy, ang galing ni Alex (Alessandra de Rossi),” kuwento ni Randy.

Ang dami niyang masayang alaala sa anak niya kaya hindi niya alam kung paano sila makapag-move on nga­yong wala na ito. Pero nandiyan ang dalawa pa niyang anak na ganu’n din ang ibinubuhos nilang atensyon at pagmamahal.