Napalayang drug convict sa GCTA sumuko

Matapos marinig sa radyo ang kontrobersiya sa Good Conduct and Time Allowance (GCTA) Law, isang dating inmate sa New Bilibid Prisons (NBP) ang sumuko sa Pasay City Police upang ipakita na nararapat na siya sa kalayaan na kanyang nakamit kahapon nang hapon.

Alas-4:30 ng hapon nang iprisinta nina National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, Southern Police District (SPD) Director Police Maj. Gen. Nolasco Bathan at Pasay City Police Chief Police Col. Bernard Yang sa media si Nicanor Naz y Pido alyas ‘Nick’ 48-anyos, binata, isang convicted inmate na nasintensyahan noong Hunyo 3, 1993 ng habambuhay na pagkakulong ng Pasay City Regional Trial Court.

Nakulong si Naz sa loob ng 26 na taon at pinagsisihan na umano niya

ang nagawang kasalanan.

“Narinig ko po ito sa radyo na nagsalita si Pangulong Duterte na lahat ng pinalaya na sa GCTA na sa loob ng 15-araw na taning na para sumuko o sumurender. Kaya’t po ang ginawa ko agad akong nagbalot ng gamit at bumiyahe ako mula sa Ilocos Norte” ani ni Naz.

Iginiit niya na nadamay lamang siya sa kontrobersiya dulot ng mga napawalang high-profile inmates ngunit umaasa na muli siyang mapapawalang sala. (Armida Rico)