Pwede ko bang ibahagi sa inyo ang aking napanaginipan kagabi. Tungkol ito sa aking anak, isang special child, na ilang taon kong hindi nakita dahil ang karelasyon ng aking asawa ang nag-ala­ga sa kanya. Nabalitaan ko na lang na namatay ang anak ko at hindi rin ako nakapunta sa burol at libing niya. Tapos ay napanaginip ko siya. Sa aking panaginip, buhay ang anak ko at nakaupo sa may kalsada. Malusog at masaya ang hitsura niya at nakangiti. Ano po ang ibig sabihin ng panaginip ko.
Ang iyong panaginip ay nagpapakita lamang ng iyong pangungulila sa iyong anak. Kadalasang isa itong paraan ng isip para matulungan tayong magkaroon ng acceptance sa pagkawala ng ating mga mahal sa buhay.

Unang-una ikaw ay nakakaramdam ng guilt feelings dahil hindi mo naalagaan ang iyong anak at kahit ito’y bunga lamang ng pagkakahiwalay ninyong mag-asawa, nag-iwan ito ng malaking tinik sa iyong puso. Bilang magulang na nagmamamahal sa kanyang anak, nais nating makitang lumalaki ang ating anak lalo pa nga at siya’y isang special child na gaya ng nabanggit mo.

Pero dahil sa mga sirkumstansya ng buhay mo, hindi mo nakapiling ang iyong anak hanggang sa mabalitaan mong siya’y namatay. Hindi mo rin ipinaliwanag kung paanong hindi mo rin siya nagawang dalawin sa kanyang burol at hindi ka rin nakipaglibing. Ang mga alalahaning ito ang nagdudulot sa iyo ngayon ng guilt.

Pero sa ilang pag-aaral, sinasabing ang ganitong panaginip ay puwedeng isang paraan ng iyong yumaong anak para iparamdam sa iyo na siya’y nasa maayos nang kalagayan, “in a better place” kung saan walang anumang problema, walang sakit.

Kung naniniwala kang ang iyong panaginip ay isang pahiwatig ng iyong anak, ipinakita niya sa iyong nakangiti siya, malusog at maaliwalas ang hitsura. Kaya naman patawarin mo na ang iyong sarili kung iniisip mo man na marami kang pagkukulang sa iyong anak.

Bagama’t hindi na mabubura sa iyong puso ang pangungulila sa iyong anak, tanggapin mo na ang kanyang pagkawala at ipagdasal na nakuha na niya ang kaligayahang walang hanggan.
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.