Nais ko pong ibahagi sa inyo ang aking panaginip. Ang aking anak po ay namatay nitong Oct. 9, 2018 sa sakit na dengue, 6 yrs. old na babae ang aking anak. Namatay po siya nang lumalaban sa sakit. Mula po nang siya ay mamatay, hindi ko po siya napapanaginipan at araw-araw ko siyang iniiyakan. After po ng 40 days niya nitong Nov. 17, 2018, nanaginip po ako kaninang umaga (Nov. 18, 2018), tinitingnan ko daw ang mga pictures niya, malungkot daw ang mga mukha ng pictures niya. Pero lahat po ng iniwanan niyang pictures at video lahat ay masaya siya. Ano po kaya ang kahulugan ng panaginip ko?
Ang pagkawala ng isang anak ay napakasakit kahit kaninong magulang lalo na sa mga magulang na totoong nagpahalaga sa kanilang anak. Ang naranasan mong pagkamatay ng iyong anak ay napakahirap tanggapin.
Sinabi mong mula sa kanyang pagkamatay ay araw-araw mo siyang iniiyakan pero hindi mo siya napapanaginipan. At pagkatapos ng kanyang 40 days ay napanaginipan mo siya. Ang iyong panaginip ay bahagi ng acceptance. Unti-unti, natatanggap na ng iyong isip ang kanyang pagkamatay. Hindi ito nangangahulugan na okey ka na sa halip ay unti-unting tinatanggap ng isip at emosyon mo ang kanyang pagkawala. Bahagi ito ng paghihilom ng iyong emosyon na kailangan mong pagdaanan.
Nakita mong malungkot ang kanyang mga pictures at video. Ang kalungkutang iyon ay nagmumula sa iyo. Representasyon ng iyong nararamdaman. Ikaw ang labis na nalulungkot at nahihirapan sa kanyang pagkawala. Ang totoo mong nararamdaman ang nakita mo sa kanyang mga pictures at videos sa iyong panaginip.
Umiiyak ang puso mo at gusto mo mang baguhin ang pangyayari ay alam mong wala ka nang magagawa, wala nang magbabago. Gaano man katindi ang sakit, unti-unti itong tinatanggap ng iyong isip. Ipinakita lamang ng iyong panaginip na sa dako paroon ng isip mo ay natatanggap mo nang wala na ang iyong anak.
Matatagalan pa bago tuluyang maghilom ang iyong sakit at marami ngang nagsabi na habambuhay nang dala-dala ng isang magulang ang sakit ng pagkawala ng kanyang anak.
Ang iyong panaginip ay bahagi ng recovery at healing na kailangan mo para makayanan ang sakit. Ang pagdarasal at paniniwalang nasa mas maayos nang kalagayan ang iyong anak kung saan hindi na siya nahihirapan ay makakatulong para maging ganap ang iyong pagtanggap sa kanyang pagkawala.
***
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.