Napapanahon ang bagong batas sa anti-carnapping

Hindi pinirmahan ni Pangulong Noynoy Aquino­ ang Republic Act 10883 o mas kilala sa tawag na “New Anti-Carnapping Law of the Philippines” bago siya bumaba sa Malacañang kung kaya naging ganap na batas ito ayon na rin sa itinatadhana ng Saligang Batas.

Si Senador Grace Poe ang principal author ng RA 10883 na nagpawalang-bisa sa RA 6539 o ang Anti-Carnapping Act of 1972. Itinaas ng bagong batas ang parusa sa carjacking ng mula 20 hanggang 30 taong pagkakulong kumpara sa 14-17 years na parusa sa ilalim ng lumang batas.

At sa pagtaas ng parusa sa carnapping at magiging non-bailable na rin ito ‘di gaya sa ilalim ng lumang batas na kayang-kayang ikutan ng mga carnapper na handa ring pumatay kapag pumalag ang mga driver ng mga ninanakaw nilang sasakyan.

“It is our hope that this new and comprehensive anti-carnapping law imposing much stiffer penalties, alongside strict implementation by our law enforcers­, will hinder the commission of this crime and give ­vehicle owners peace of mind,” paliwanag ni Poe na dating chairman ng Senate committee on public ­order and dangerous drugs.

Napapanahon ang pagsasabatas sa RA 10883 dahil mas mabigat ang parusa sa mga carnapper lalo na kung gumamit ang mga ito ng karahasan at intimidasyon na hanggang 40 taong pagkakulong samantalang ang pagpatay o panggagahasa sa mga pasahero ay habambuhay na pagkakulong ang parusa.

Sa ilalim nga ng dating death penalty law ay kasama ang carnapping with murder sa mga heinous crimes o karumal-dumal na krimen na may parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection.

Mas matatakot na rin ang mga kasabwat ng mga sindikato ng carnapping sa pag-chop-chop ng mga piyesa ng sasakyan na ibinebenta sa mga lugar kagaya ng Banawe sa Quezon City at sa Bangkal sa Makati.­ Naghihintay sa kanila ang parusang 6-12 years na pagkakulong at pagbabayad ng danyos na katumbas ng sasakyan, makina o piyesa na chinop-chop nila.

Maging ang mga pampublikong opisyal na sabit sa carnapping ay nahaharap sa “dismissal from the service” at “perpetual disqualification from public office” kapag napatunayan sa hukuman na sila ay may sala.

Maituturing na bagong probisyon din sa batas ni Senador Poe ang matagal nang ginagawa ng mga sindikato ang pagbili ng mga total-wreck na sasakyan at paggamit sa mga engine number at chassis number para ilipat sa mga nakaw na sasakyan para nga namang maging ligal ito.

Itinatadhana rin ng bagong batas ang panganga­ilangan ng Land Transportation Office (LTO) na magkaroon ng “permanent registry of motor vehicles, ­motor vehicle engines, engine blocks and chassis of all motor vehicles stating the type, make, serial numbers as well as the names and addresses of the vehicles’ present and previous owners.”

Matagal nga sanang ginawa ito ng LTO pero hindi­ naman lingid sa kaalaman ng mga anti-carnapping units ng Philippine National Police (PNP) na may kasab­wat sa LTO ang mga carnap syndicates kung kaya madali nilang nairerehistro ang mga nakaw na sasakyan.

Inaasahang mapapalakas ng RA 10883 ang kampanya ng PNP-Highway Patrol Group laban sa mga sindikato ng carnapping na kadalasan ay ginagamit din sa mga iligal na gawain gaya ng kidnapping, bank robbery at drug trafficking.