Dear Dream Catcher
Napanaginipan kong napaso raw ang aking kamay habang ako’y nasa harap ng lutuan. Napahawak daw ako sa mismong burner at napasigaw ako dahil napaso ang kamay ko. Wala naman akong nakitang apoy basta iyon lang burner ang hinawakan ko at doon ako napaso. Sa panaginip ko hawak-hawak ko ang kanan kong kamay at napapasigaw ako sa sakit. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Mylene
Dear Mylene
Ang panaginip na ikaw ay napaso ay kadalasang nangyayari sa mga taong may pinagdaraanang guilty feelings. Halimbawang may nagawa kang hindi katanggap-tanggap para sa sarili mo kung saan may pagsisisi kang nararamdaman.
Ang pagkapaso ng kamay ay nagsa-suggest na may ginawa ka o maaaring may gagawin ka pa lang na kinatatakutan mong magdudulot sa iyo ng sakit ng kalooban. Kung ito’y hindi mo pa nagagawa, maaaring ang iyong panaginip ay paalala ng iyong subconscious. At kung may panahon pa ay dapat mo itong itigil o ‘wag nang gawin. At kung ito naman ay nagawa mo na, iyon ang pinagmumulan ng guilt at maaring koneksyon ng panaginip mong ikaw ay napaso.
Ang naramdaman mong sakit o hapdi ng pagkapaso ay may koneksyon sa iyong emosyon na posibleng mula sa isang pangyayari sa nakaraan na nagdulot sa iyo ng matinding sakit. Maari rin na ang pangyayaring ito’y nabibilang na lamang sa iyong nagdaan pero may isang pangyayaring nagpaalala sa iyo ng sakit at ito ang posibleng nag-trigger sa iyong panaginip.
Dream Catcher
***
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang espiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.