Napatay na pedicab driver, nadikdik ng cellphone sa illegal drugs

Kinumpirma kahapon ng Pasay City Police na nagkaroon ng transaksyon kaugnay sa bentahan ng iligal na droga matapos umanong makitaan ng mga message sa cellphone na pag-aari ng pedicab driver ng nabaril at napatay ng tatlong pulis noong Martes ng madaling-araw sa nasabing lungsod.

Ayon kay Chief Ins­pector Rolando Baula, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police ang naturang mga mensahe ay nakita sa cellphone ng nasawing biktima na si Eric Sison, na sinasabing nagkakaroon ng transaksyon kaugnay sa bentahan ng droga bago ito napatay ng tatlong pulis.

“Meron nakita na kahina-hinalang text messages, parang drug tran­saction ito sa cellphone ni Sison,” ani ni Baula.

Pansamantala namang hindi na pinabasa ni Baula ang mga nadiskubreng text messages.

Sinabi ni Baula na ang cellphone ni Sison ay kanilang itinurn-over sa tanggapan ng Philippine National Police-Anti Cyber Crime Group (PNP-ACG) upang ipasuri para makuha ang lahat nang mensahe sa nasabing cellphone.

Aniya, patuloy pa rin silang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon at inaalam din nila kung sinong lalaki ang kausap ni Sison bago ito mapatay.

Samantala, sinabi pa ni Baula na ang tatlong pulis na sina Baladjay, Isaac at Olorosisimo ay nagbigay na ng affidavit sa National Bureau of Investigation (NBI) kung saan ang nasabing ahensiya ang nag-iimbestiga sa kanila.