Sa halos isang taon pa lamang sa puwesto ay nakarami na ng biyahe sa labas ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ilan sa dahilan ng pagbiyahe palabas ng bansa ni Pangulong Duterte ay state visit at official visit mula sa imbitasyon ng iba’t ibang lider ng mga bansa.

Wala namang problema sa mga imbitasyong ito ng Pangulo dahil bahagi ito ng kanyang pagganap bilang lider ng bansa ang makipag-ugnayan sa iba’t ibang lider ng mga bansa para palakasin ang kooperasyon at higit sa lahat ay upang makaengganyo ng mga negosyanteng maaaring maglagak ng negosyo sa Pilipinas.

Kaya nga lamang napulaan ang Pangulo sa pinakahuling official visit sa Russia dahil sa dami ng kasamang mga miyembro ng gabinete at opisyal ng militar at pulisya.

Ang presensya ng napakaraming gabinete at mga opisyal ng pulisya­ at militar sa Moscow trip ay nasilip ng mga kritiko at ilang mambabatas dahil sa nangyaring krisis sa Marawi.

Para sa amin, hindi maganda na makita ng publiko ang mga opis­yales ng gobyerno na kasama ang pamilya sa isang official trip ng Pa­ngulo na ang pangako ay maghahatid ng pagbabago para sa bansa.

Kaya naniniwala kaming tama lamang na imbestigahan ang iba pang foreign trip ng Pangulo gayundin ang iba pang bitbit na gabinete na sinasabing nagbitbit din ng ilang miyembro ng pamilya.

Kahit na ginastusan ng mga kaanak ng ilang gabinete at ng Pangulo ang kanilang mga kaanak na kasama sa biyahe hindi pa rin ito dapat gawin sapagkat malinaw na pagsasamantala ito sa kapangyarihan.

Ang lakad ng Pangulo at gabinete ay mga opisyal na lakad at hindi paglalamiyerda kaya dapat lamang na hindi nag-aangkas ng mga hindi opisyal na miyembro ng delegasyon.

Nakakasira sa imahe ng gobyernong Duterte na mahigpit ang kampanya kontra katiwalian at pang-aabuso ang ganitong kalakaran ­kaya sana ay tuldukan na ito dahil mali ito at malinaw na pag-abuso ito sa kapangyarihan.

2 Responses

  1. Ngayon nyo lang napuna na ang ginagawa ni Duterte ay ang pagwawaldas ng kaban ng bayan??? Dapat lang imbestigahan ng Senado ang budget nila?