Umakyat sa 22 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok, ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Batay ito sa ulat ng Department of Health (DOH), simula alas-6:00 nang umaga noong Disyembre 21 hanggang alas-5:59 nang mada­ling-araw ng Disyembre 27 na mula sa 61 sentinel hospital sa bansa.

Sa kabila nito, sinabi ng DOH na mas mababa pa rin ito ng 35% o 12 kaso mula sa 34 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Pinakamaraming naitala mula sa National Capital Region (NCR) na umabot sa anim na kaso; sumunod ang Calabarzon na may apat na kaso at Region 1 na may tatlong kaso.

Ayon sa DOH, ang mga nasugatan ay nasa pagitan ng 4 hanggang 60-taong gulang, at karamihan sa kanila ang mga lalaki na nasa 77% o 17 kaso.

Ang paputok naman na nakasugat sa mga biktima ay boga at luces, na may tig-apat ng biktima, kwitis at piccolo na may tig-dalawang biktima, habang tig-iisa naman ang nabiktima ng 5 star, baby rocket, fountain, kalburo, bamboo ca­non, mini bomb at whistle bomb, at tatlo ang nabiktima ng ‘di natukoy na paputok. (Juliet de Loza-Cudia)