Isa sa limang tinaguriang narco generals ang personal na nagprisenta ng kanyang counter affidavit sa tanggapan ng National Police Commission (Napolcom) kahapon.
Si Chief Supt. Edgardo Tinio, dating director ng Quezon City Police District Office (QCPDO), na isa sa tatlong ranking police officials na isinasangkot sa illegal drugs ay humarap sa Napolcom at nagsumite ng kanyang 41-pahinang counter affidavit sa kinakaharap nitong kaso.
Humarap si Tinio matapos ihayag ng Napolcom na nakitaan nila ng matibay na ebidensya ang akusasyon laban dito kaugnay sa ilegal na droga.
Ang counter affidavit na isinumite ni Tinio ay may kaugnayan sa administrative complaints na isinampa laban sa kanya at nakapaloob dito ang mahigpit na pagtanggi na protektor siya ng iligal na droga base na rin sa pag-aakusa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang pa sa kinakaharap na kaso ni Tinio ay serious neglect of duty, serious irregularity at conduct unbecoming of a police officer.
Dito iginiit ni Tinio na sa panahon ng kanyang panunungkulan sa QCPD, nakaaresto sila ng 7,538 wanted personalities at 1,656 local at foreign drug personalities, kabilang ang 129 top drug suspects at 15 top most wanted personalities.
Nakapaloob pa sa affidavit ni Tinio na isinumite sa Napolcom na humihiling ito ng dialogue kay Pangulong Duterte upang patunayan ang pagiging inosente at ang paghamon sa kanyang “mistah” sa Philippine Military Academy (PMA) na nagbigay ng impormasyon na natutukoy sa kanya na sangkot sa iligal na droga na patunayan ang bintang sa kanya.
Una nang inihayag ni Napolcom vice chairman and executive officer Rogelio Casurao na matapos ang pag-aaral at pag-iimbestiga, nakakuha sila ng sapat na ebidensya laban kina Tinio at Director Joel Pagdilao, ang dating NCRPO chief, mula sa income tax returns (ITR) at mga dokumento galing sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Idinagdag pa ni Casurao na nakitaan din nila ng administrative lapses sina Tinio at Pagdilao.