Inihahanda na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang narco-list ng mga hukom at piskal.
Nagpahayag ng pagkadismaya si PDEA Director General Aaron Aquino dahil sa mga nababasurang kaso na may kinalaman sa iligal na droga na kanilang isinampa sa piskalya at korte kahit malinaw naman at matitibay ang kanilang ebidensya.
Aniya, lagi umanong dinadaan sa teknikalidad ang mga malalaking kaso ng PDEA kahit solid ang kanilang mga ipiniprisintang ebidensya sa piskalya at korte.
Dahil umano dito kung kaya’t lumalakas ang loob ng mga dayuhang sangkot sa droga na mag-operate sa bansa dahil sa ilang tiwaling piskal at hukom.
Samantala, ipinahayag naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na libre pang makalabas ng bansa ang mga nasa listahan ng narco-politician na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“The best that we can do is to issue immigration lookout bulletin orders, which are merely for foreign travel monitoring purposes only.”
Kasunod ito ng ulat na isa sa mga pinangalanan sa narco-list na si Sincaban, Misamis Oriental Mayor Crisinciano Enot Mahilac ay pinayagang makalabas ng bansa papuntang Singapore kasama ang kanyang pamilya. (Dolly Cabreza/Juliet de Loza-Cudia)