Dapat ay agad nang sampahan ng kaso sa korte ang mga politiko na umano’y sangkot sa iligal na droga.

Ito ay sa gitna ng magkakaibang pananaw kung dapat bang ilabas sa publiko ang tinatawag na narcolist o lista­han ng mga politiko na sangkot sa iligal na droga.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, karapatan daw ng publiko na malaman ang listahan ng mga politikong sangkot sa illegal drugs na siyang sumisira sa buhay ng mga mga kabataan .

Sa kabilang dako ay hindi pabor si PDEA chief Aaron Aquino na ilantad sa publiko ang narco-list sa halip ay kasuhan na lang sa korte ang mga ito.

Nagpahayag na rin ng pagtutol sa paglalabas ng narco-list ang ilang mam­babatas sa pangu­nguna nina Sena­tors Ping Lacson, Ri­chard Gordon, Franklin Drilon, Senate Pre­sident Vicente Sotto at iba pa.

Maging si PNP Chief Police Gene­ral Oscar Albayalde ay pabor ilabas ang narco-list pero dapat ay validated na ang ibig sabihin ay talagang kumpirmado na sangkot sa iligal na droga ang nasabing mga politiko.

Eh matanong ko lang sa Pangulo kung bakit ayaw niya pa kasuhan sa korte ang mga politikong nasa kaniyang listahan na sangkot umano sa illegal drugs?

Kung validated at matibay ang ebidensiya ay tiyak na maipakukulong ang mga politikong ito at hindi na makakapagkandidato sa eleksiyon.

Pero ayon mismo sa Comelec na kahit pa ilabas sa publiko ang narcolist ay hindi ito basehan upang pigilan na kumandidato ang mga politiko.

Lumilitaw na isa lang ang pinakamainam na gawin ng Malacañang ay pa sampahan na ng kaso ang nasa narco-list dahil kapag ito ay tinanggap ng hukuman ay malinaw na matibay ang ebidensiya.

Pero kung walang matibay na ebidensiya ay agad ding madidismis ang kaso sa lebel pa lang ng piskalya at hindi na aabot sa korte.