NARCO PROSECUTORS ISUSUNOD NA!

Pangulong Rodrigo Duterte

Matapos pangalanan­ ang mga huwes, pulitiko, pulis at military na sangkot umano sa illegal drug trade isusunod na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pro­secutor na humahawak ng mga kasong may kinalaman sa droga.

Target nitong panga­lanan din ang mga pro­secutor na nag-aareglo at nagbabasura ng mga drug cases kapalit ng malaking halaga.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na uunahin muna ng Malacañang na tukuyin ang mga nasa public sector na sangkot sa illegal drug bago ang mga kila­lang sibilyan.

Nagbabala rin ito na patuloy ang kanilang pangangalap ng intelligence report kaya hindi maaaring hindi mabuko ang mga nasasangkot sa illegal drug trade.

“Alam ‘man nila na delikado iyan. Iyong panahon, sa aking panahon, talagang umalis kayo diyan, delikado talaga iyan. I said and addressed to everybody, iyong hindi pa na-validate, kayong mga mayor, governors,” dagdag pa nito.

Ipinagtanggol din ni Pangulong Duterte ang isiniwalat nitong mga pangalan ng mga sangkot sa iligal na droga na validated umano. Aniya, mainam din ang nangyari dahil sumusuko na ang mga ito sa halip na magkaroon pa ng resistance.

Samantala, makakatanggap ng pabuya mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sinumang magbibigay ng impormasyon kaugnay sa operasyon ng iligal na droga sa bansa sa pamamagitan ng kanilang Operation Private Eye.

Ayon kay PDEA Director General Isidro La­pena, layunin ng programa na maging mata o tainga ng gobyerno ang taumbayan kontra sa droga.

Napag-alaman na nitong Hunyo lamang ay lima nang impormante ang tumanggap ng kanilang pabuya na aabot sa halagang P3 mil­yon dahil sa ibinigay na impormasyon sa pamamagitan ng Operation Private Eye.

Tiniyak din ng PDEA na makasisiguro ang mga impormante na mabibigyan ng sapat na seguridad.