Naghahanap na ngayon ng bagong Commissioner ang Philippine Basketball Association (PBA).

Ito ay matapos italaga bilang Officer-In-Charge ang dating media bureau chief at kasalukuyang external affairs director na si Willie Marcial matapos sorpresang magbitiw bago magsimula ang pambukas na seremonya kahapon na si Chito Narvasa bilang commissioner.

Mismong ang PBA Board of Governors ang nagkumpirma sa pagtsugi kay Narvasa sa pagharap sa mga mamamahayag bilang pagpapakita ng pagkakaisa kung saan ang bagong TNT KaTropa gov. na si Ricky Vargas ang nanguna sa paghahayag.

Ipinaliwanag ni Vargas na natapik munang league chairman sa halip na si Ramoncito Fernandez ng NLEX na dapat, na ibinigay ni Narvasa ang resignation letter ilang minuto bago ang pagsisimula ng ika-43 season ng liga.

Matatandaan na halos hindi natuloy ang propesyonal na liga ngayong buwan dahil sa pagkakahati-hati at kawalang pagkakaisa ng 12 miyembrong koponan ukol sa kanyang termino bilang commissioner.

Pansamantalang ookupahan naman ni Marcial ang responsibilidad bilang OIC hanggang hindi pa naitatakda ang bagong commissioner.

Mananatili si Narvasa hanggang sa katapusan na lang ng buwang ito sa pag-ayuda pa rin niya para sa transition period sa papalit sa kanya.

Maninilbihan na lang si Fernandez sa toka na sanang puwesto niya pagdating na lang ng panahon na napunta na ang puwesto sa Texters.

“This morning he (Narvasa) submitted his resignation which was effective today, thanking the PBA. And we thanked him also for enduring the board meeting and all of his contributions to the PBA,” bigkas Vargas.

SMB Buena-Mano

Matikas namang binuksan ng San Miguel Beer ang four-peat title bid sa sigwada ng PBA Philippine Cup kinagabihan nang ligwakin ang Phoenix Petroleum, 104-96, sa likod ng double-double jobs nina MVPs June Mar Fajardo (23 points at 16 rebounds) at Arwind Santos (14 at 11).