Nakaligtas mula sa pamamaril ng dalawang­ hindi pa nakikilalang suspek ang isang binata na kabilang umano sa drug watch list ng barangay kamakalawa ng gabi sa Lungsod ng Pasay.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Jeffrey Reynard Bernabe, 23, ng Pildera St., Brgy. 192, Pildera Uno, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Pasay City Police, dakong alas-7:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan mismo ng bahay ng biktima.

Nagtamo lamang ng daplis ng tama ng baril sa kaliwang tenga si Bernabe­ mula sa dalawang­ suspek na pawang nakamaskara, naka-bonnet at lulan ng motorsiklong walang plaka.

Kuwento ng biktima, naka-upo lamang siya nang biglang sumulpot ang mga suspek at pinaulanan siya ng bala.

Sa kabutihang palad, nagawa nitong makailag at daplis lamang ang ti­namo nito.

Agad namang rumesponde ang mga pulis sa insidente, ngunit bigo silang mahuli ang mga suspek na agad na tumakas sa hindi pa malamang lugar.

Ayon sa barangay, kabilang sa kanilang drug watch list ang nasabing biktima.

Patuloy namang iniimbestigahan ang natu­rang insidente upang matukoy ang pagkakaki­lanlan ng mga suspek.