Isang lalaki na umano’y kasama sa drug watch list ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City kahapon ng hatinggabi.
Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Victor Tiozon, nasa hustong gulang, binata at residente ng Block 25, Welfareville Compound sa Barangay Addition Hills, sanhi ng apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa ulat nina SPO1 Gregorio Acbay at PO3 Donald Bañes ng Mandaluyong City Police, dakong alas-12:15 ng hatinggabi nang maganap ang pamamaril sa biktima sa Welfareville Compound Barangay Addition Hills nang nasabing lungsod.
Nabatid na ang bangkay ni Tiozon ay nadiskubre ng miyembro ng Bantay Bayan na si Gerry Villamayor sa Block 25 ng nasabing lungsod.
Kwento ni Villamayor, naka-duty siya nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril at nang kanyang tignan ay nakitang nakahandusay sa at naliligo sa dugo ang biktima kaya’t kaagad niyang inireport sa mga awtoridad.