Nasa pamumuno ang pagtino

Cellphone-free na ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa ang New Bilibid Prison­ (NBP).

Ito ang pagbibidang ginawa ng PNP chief nang humarap sa ­Senado kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa mga kaliwa’t kanang patayan bunga ng pinaigting na kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.

Sinabi ni Dela Rosa na simula nang mag-take-over ang mga miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Bilibid ay hindi na nagkaroon pa ng komunikasyon ang mga drug lord sa kanilang mga supplier na nasa labas ng kulungan.

Kaya itinuturing na ng PNP na zero communication sa loob ng Bilibid lalo na ang mga nakakulong na mga big-time drug lords.

Napakagandang kaganapan sa NBP ang pag-uulat na ito ng PNP kaya naman saludo tayo sa pamunuan ng PNP na siyang may ideya na palitan ng mga tauhan ng SAF ang pagbabantay sa ­seguridad ng Bilibid.

Dahil sa nagawang ito ng SAF na cellphone-free ang Bilibid sa ilalim ng pamumuno ni Gen. Dela Rosa ay patunay lamang na nasa pamumuno ang pagtino ng isang tanggapan ng ating gobyerno.

Tama naman ang PNP na kung agad na naipatupad ang pagtatalaga ng SAF na taga­pagbantay sa Bilibid ay bak­a hindi lumala ang problema at hindi namayagpag ang mga big-time drug lords sa kulungan.­

Pero nangyari na ang lahat­ dahil sa kapabayaan ng mga naunang itinalagang mga opisyal­ ng Bilibid, ang dapat na lamang tingnan sa puntong ito ay nagawa pang maawat ng PNP-SAF ang pamamayagpag ng mga big-time drug lords na siyang­ ­dahilan kaya hindi matinag-tinag ang operasyon ng sindikato­ sa kabila ng pagsalakay at pagbuwag sa kanilang mga shabu­ laboratory.­

Kaya sa PNP-SAF isang pagsaludo ang nais naming iparating at hangad namin ay patas at mas mahigpit na pagpapatupad ng batas­ sa lahat ng bilanggo sa Bilibid maliit o malalaking personalidad­ man ang mga ito.