Nasa puso ang pagseserbisyo

Hayagang minaliit ng utak ng Thinking Pinoy blog na si Rey John Nieto ang pasahod sa gobyerno.

Si Nieto ay tumatayong consultant sa isang departamento sa Department of Foreign Affairs (DFA) na nangangalaga sa kapakanan ng mga overseas Filipino workers(OFWs).

Tumatanggap ito ng P12,000 kada buwang sahod.

Binanggit din ni Nieto na mas matindi ang pangangailangan sa kanya ng DFA kesa siya sa DFA.

“DFA needs me more than I need them, parang alila lang kami doon,”bahagi ng pahayag ni Nieto nang usisain sa kanyang papel bilang consultant sa ahensya ng pamahalaan.

Sa ganang amin, naging totooo lamang sa sarili ang consultant na nakilala sa pagiging blogger na dapat na makita ng mga opisyal ng gobyerno na kumuha at nagtalaga sa kanya sa DFA.

Kaya dapat sa pagpili ng mga itatalagang tauhan o opisyal ng ating pamahalaan, dapat ay inaalam muna kung nasa puso ba nila ang pagseserbisyo?

Unang-una ang paglilingkod sa gobyerno at sa taumbayan sa kabuuan ay hindi matutumbasan ng anumang halaga.

Batid ito ng maraming pumapasok sa mga tanggapan ng gobyerno.

Kaya dapat ang lahat ng itatalagang tauhan sa gobyerno ay tunay na nasa puso ang paglilingkod sa bayan at hindi iniisip ang pahirap na sinusuong.

Kung hindi ganito ang inyong saloobin, hindi kayo nararapat na pumasok o maglingkod sa gobyerno.