Hanggang ngayon – sa kabila ng katotohanang hindi gusto ng mayoryang Pinoy ang dugo at karahasan sa war on drugs ni Pangulong Digong Duterte – gusto at suportado pa rin ng sambayanan ang kamay na bakal kontra illegal drugs.

Ang problema, sa tingin ng publiko ay lumalamya ang kamay na bakal kapag bilyones na ng drug smuggling ang pinag-uusapan.

Bakit nga ba ganun? ‘Yung mga bumubulagta sa kalsada, isa o dalawang malinggit na sachet ng shabu ang nakukuha. Ilan pa sa mga kaso ay pinangangambahang ‘frame up’ o tanim ebidensya daw.

Ang dalawang Customs chief na nakaupo sa mga panahong naipuslit ang shabu shipment, parehong inilipat lang ng puwesto sa gobyerno.

Si ex-military officer Nicanor Faeldon ay itinalaga bilang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) habang si Isidro Lapeña ay na-promote pa bilang ‘secretary’ nang ilipat ng Pangulo bilang pinuno ng TESDA.

Samantalang nasa floating status ngayon ang buong kawanihan ng Bureau of Customs (BOC) matapos silang i-freeze ni Pangulong Digong.

Tanong tuloy ng taumbayan: anong klaseng war on drugs ito? Ang lamya sa mga sindikato pero sobrang bangis kapag sa maliliit na user at tulak.

Ang punto lang naman, ang giyera ay dapat ituon sa drug supply. Kung walang droga ay walang adik. Kung mabangis sa maliliit na pusher at user dapat ay 1,000 beses ang bangis sa malaking sindikatong nagpapasok nig droga sa bansa.

Papanagutin at bulukin sa kulungan ang mga tinanggal na pinuno ng BOC na nalusutan ng kontrabandong shabu. Hindi ‘yung tinanggal lang para ilipat ng puwesto.