Nasaan ang male-maletang pera?

Rey Marfil-SpyOnTheJob

Nanlaki ang mga mata at tumulo ang laway ng ating bagong gising na kurimaw nang makita niya sa balita ang male-maletang dolyares na ipinasok daw sa bansa sa pamamagitan ng airport. Ang malaking katanu­ngan, nasaan na ngayon ang mga kuwarta?

Hindi lang kasi tungkol sa laki ng halaga (aabot daw ng P32 bilyon) ang pinag-uusapan sa mga perang ipinasok sa bansa mula Setyembre 2019 hanggang nitong nakaraang Pebrero, kung hindi kasama na rin ang ma­laking katanungan kung saan ito galing, sino talaga ang may-ari at saan gagamitin ang pera?

Bagaman mayroon tayong batas na nagtatakda sa mga bangko na itimbre sa Anti-Mo­ney Laundering Council (AMLC) ang malalaking halaga ng pera na ipinapasok sa kanila, wala namang batas na nagbabawal na magpasok ng pera sa mga paliparan basta idedeklara lang ng taong may dala ng pera. Aba’y papaano kaya kung gagamitin nga sa iligal o krimen ang pera tulad ng pampondo sa mga terorista?

May mga naghihinala rin na baka galing sa iligal na paraan ang pera at dinadala rito sa Pilipinas para ‘linisin’ o kung tawagin ay ‘money laundering’. Pero kung ipinasok sa bangko ang pera upang ‘linisin’, ang tanong eh itinimbre kaya nila sa AMLC ang transaksyon? Sa batas kasi mga tsong, kailangang itimbre ng mga bangko sa mga kinauukulan kapag may pumapasok sa kanilang pera P500,000 pataas ng isang bagsakan o sa loob lang isang araw.

May mga naghihinala na baka ipinasok sa POGO ang pera para palabasin na galing sa naturang industriya at pagkatapos eh puwede nang ipasok naman sa bangko. Kung tunay na may sindikato sa likod ng pera, konektado rin kaya ito sa pagpasok ng mga Tsino sa bansa na may ‘pastillas’ na regalo sa mga taga-Immigraton?

Hirit naman ng ating mga kurimaw, baka naman daw ginamit na ‘padulas’ o panuhol ang mga pera na diretso sa bulsa ng mga tiwaling kung sinoman.
Aba’y napakasusuwerte naman nila dahil daig pa nila ang tumama sa lotto. May mga impormasyon kasi na de-escort daw kasi ng mga pulis o sundalo ang may bibit ng pera paglabas sa airport.

Mahirap na nga naman, kapag nalaman ng ibang buraot na napakalaking halaga ang bitbit bila, aba’y ambush sabay tangay sa pera ang aabutin nila at baka taniman pa sila ng droga ng mga salarin.

Nagiging isyu rin kung batid ba ng pamahalaan o kinauukulang ahensiya ang pagpasok ng mga pera? Siguro naman kahit papaano eh mayroong record sa airport sa pagpasok ng pera at tiyak na mapag-uusapan ‘yon ng mga matataas na opisyal sa paliparan kaya imposib­leng hindi nila alam. Iyon nga lang, baka lalong mapulaan ang kakayanan ng bansa natin na labanan ang money laundering.

Ngayon pa naman eh inoobserbahan tayo ng isang global anti-money laundering watchdog. May pagkilos nga sa Kongreso na amyendahan na ngayon ang Anti-Money Laundering Act (AMLA) at Human Security Act (HSA) para hindi tayo maparusahan. Sa Oktubre kasi, kailangang magsumite ang Pilipinas ng comprehensive progress report sa Asia/Pacific Group on Money Laundering (APG) at dapat maisama na rito ang ginawang pagpapalakas sa AMLA at HSA, na isa ring paraan ng paglaban sa mga terorista.

Kapag hindi natin ‘yan nagawa, maaari raw na putulin ng mga international bank ang ugnayan nila sa Pilipinas at kabilang sa mga malilintikan niyan ang mga OFW na nagpapadala ng pera at pangungutang natin sa ibang mga bansa.

Kaya bukod sa dapat palakasin ang Anti-Money Laundering Law, hanapin at kasuhan ang mga nagpapasok ng ‘maruming’ pera sa bansa. Hanapin din siyempre ang male-maletang pera at ipangtulong sa mga mawawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”