Nasaan ang oras niya para sa akin?

payong-kapatid-box kuya rom

Dear Kuya Rom,

Paano ba babaguhin ang isang mama’s boy? Ang mister ko ay nag-iisang anak. Bata pa siya nang pumanaw ang kanyang ama. Lumaki siyang nag-iisang tao ang nakilala niyang magulang, ang kanyang mommy. Kaya’t sobra ang pagmamahal ng mag-ina sa isa’t isa.

Ang mother niya ay 42-anyos at parang wala nang balak magtrabaho pa. Nag-asawang muli ang kanyang ina, pero ang lalaki ay walang permanenteng trabaho, kaya’t laging hirap sila sa pera.

Dahil mahal na mahal ng mister ko ang kanyang mommy, tinutulungan niya ito financially. Isa pa, laging nagluluto ang mister ko ng mga pagkaing paborito ng mommy niya. Asikasung-asikaso niya ang panga­ngailangan ng mother niya. Kapitbahay namin ito. Pero nasaan ang oras niya para sa akin?

Hindi ko iniisip na mangyayari ito nang kami’y ikasal. Ayaw kong magtanim ng sama ng loob. Inaalis ko na lang ang lungkot sa pamamagitan ng pag-aalaga sa anak namin.

Ang gusto ko sana, may sariling buhay kaming mag-asawa. Ang pangarap ko lang ay simple at maayos na relasyon at walang namamagitan sa amin. Pero ang mister ko ay madalas na nasa bahay ng mommy niya. Kapag ganito palagi, ano ang magiging kinabukasan namin? — Fay

Dear Fay,

Ang mangarap nang isang simple at maayos na relasyon at magsikap na gawin ang lahat upang matupad ito ay mabuti. Nangangailangan ito ng malawak na pang-unawa para mapagtagumpayan ang anumang bagay na pipigil sa katuparan ng hinahangad.

Mainam na maunawaan mong ang kasal ay hindi pagkakaisa lamang ng dalawang puso; ito ay pagsasama rin ng dalawang angkan. Nang pinakasalan mo, ang mister mo, ito ay isang desisyon na tatanggapin mo rin ang kanyang ina sa iyong buhay.

Ngayon, dahil alam mo nang mama’s boy ang iyong mister at nakikita mo kung gaano niya pinahahalagahan ang kanyang ina, mabuting tanggapin mo nang maluwag sa iyong puso ang katotohanang ang ina niya ang una sa lahat sa kanyang buhay. Ikaw dapat ang Number 1 sa puso ng mister mo, pero hindi nangyayari ito sa ngayon. Umasa kang mangyayari ito pagdating ng panahong makita niya ang liwanag.

Upang patuloy na hindi sasama ang loob mo sa iyong mister at manatili ang respeto mo sa kanyang ina, mabuting huwag mong ibilang na karibal mo ang ina niya sa pagmamahal ng mister mo. Huwag mong igigiit na piliin niya kung sino ang uunahin niya, ikaw o ang ina niya, sapagkat maaaring maging dahilan ito ng pagkawasak ng relasyon ninyong mag-asawa.

Magkaroon ka ng pagmamahal, kahabagan at malasakit sa kapwa upang maging maluwag sa loob mo ang pagtulong ng iyong mister sa mga nangangailangan. Isipin mong nagtatanim kayo ng kabutihan at darating ang panahong aani kayo ng isang maunlad na buhay.

Fay, may karugtong ang payo para sa iyo. Abangan!

Payong kapatid,
Kuya Rom