Nasaan na ang solusyon sa taas presyo ng bilihin?

Broadcaster's view-ely-saludar

Noong isinusulong ang kontrobersyal na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ay sangkaterba ang mga pangakong proteksiyon sa mamamayan.

Ngayon ay patuloy ang pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin pero wala pa tayong nararamdaman sa pa­ngako ng gobyerno na pipigilan ang mabigat na epekto nito.

May naririnig tayo sa gobyerno na kesyo gagawa ng hakbang upang pigilan ang ma­bigat na epekto nito sa publiko.

Pero malinaw na malinaw na ang isa sa pangunahing dahilan ng pagtaas sa presyo ng serbisyo at pangunahing bilihin sa bansa ay dahil sa implementasyon ng TRAIN Law.

Para raw sa mga proyektong pang impraestruktura ang kikitain sa TRAIN Law su­balit ang kasalukuyang tinatamaan nang direkta ay ang mga mahihirap na mamamayan.

Maging ang mga may trabaho na at mula sa mga middle invoke earner ay umaaray na rin sa mataas na presyo ng bilihin.

Pangunahing walang humpay ang pagtaas ng presyo ay ang produktong petrolyo na nakakaapekto sa halaga ng bilihin.

Mag nakaamba pang petisyon sa LTFRB mula sa sektor ng pampublikong transportasyon upang magtaas ng si­ngil sa pamasahe.

Dapat ay matagal nang napaghandaan ng administrasyong Duterte ang epekto ng pagtataas sa pres­yo ng pangunahing bilihin pero ngayong umepek­to na nga nang tuluyan ay wala pang magawang konkretong hakbang upang maibsan ang paghihirap ng mga Filipino.

Dinadaan lang sa pagmumura at mga kontrobersyal na pahayag ni Pangulong Duterte ang problema sa epekto ng TRAIN Law at nalilibang naman ang ilan sa mamamayan.

Pero ang kailangan ng mga Filipino ay ang totoong hakbang ng administrasyong Duterte upang maibsan ang kahirapan ng mga Filipino na tinamaan ng epekto ng TRAIN Law sa bansa.