Nasalaulang party-list isinisi sa Comelec

Ibinato ng party-list group na nanguna sa katatapos na eleksyon sa Commission on Elections (Comelec) ang sisi kaya naabuso ang party-list system sa bansa.

Ayon sa kinatawan ng Ako Bicol na si Congressman Rodel Batocabe, sa halip na Kongreso o ang mga party-list ang sisihin sa pagpasok ng mayayaman sa party-list group, mas dapat tanungin ang Comelec.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang Comelec ang responsable sa pagbibigay ng accreditation sa mga party-list group na sumasabak sa halalan.

Kaya iginiit ni Batocabe na kung may mga isyu man o kuwestyon kaugnay nito ay ang Co­melec ang dapat sumagot.

“Comelec should be really strict on giving accreditations sa mga party-list group who applies for accreditation. Ang nangyayari kasi dito, marami naman kasi talagang isyu pagdating sa accreditation and that issue is addressed to the regulatory body which is the Comelec,” ani Batocabe.

Ang pagbuwag sa party-list group ay unang inilutang ni Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyang prayoridad sa oras na matuloy ang pag-amiyenda sa Konstitusyon.

Kaugnay nito, mistulang nabahala ang mga party-list congressmen kaya agad na nagpulong ang mga ito sa Kamara kahapon.

Nagmistulang emergency meeting ang nangyari na dinaluhan ng ma­yorya sa 55 party-list congressmen.

Gayunpaman, cool lang umano ang mga party-list solons at walang balak na banggain si Duterte bagkus ay ipapa­kita lamang umano ng mga ito ang kanilang naging kontribusyon sa lipunan.

“Present party-list congressmen all agreed that we should form a technical working team to compile the track record and performance of party-list groups and show to the public their contribution to society,” ani CIBAC party-list Rep. Sherwin Tugna.