Patay ang isang dating pulis-Quezon City na nasibak sa serbisyo nang pagsasaksakin ng ‘di kilalang suspek matapos makipag-inuman kamakalawa nang gabi sa Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-homicide section, nakilala ang biktimang si dating PO1 Jose Igig, 42, taga-Building 19, Unit 411, Vitas, Tondo, na idineklarang patay ng mga doktor sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC), dakong alas-8:35 nang gabi dahil sa mga tama ng saksak sa katawan.

Nabatid kay PC/Insp. Rommel Anicete, hepe ng MPD-HS, alas-8:05 ng gabi nang madiskubre ang biktima ng kanyang pamangkin na duguang nakahandusay sa Road 10, Scarbo­rough, Katuparan sa Vitas.

Mabilis namang dinala ang biktima sa pagamutan pero hindi na naisalba pa.

Huli umanong nakitang buhay ang biktima habang nakikipag-inuman pa sa kanyang mga kaibigan.

Nakuha naman ng mga imbestigador sa crime scene ang mga ebidensiya na posibleng makapagturo sa mga salarin sa krimen, gaya ng mga basag na bote ng alak at dalawang kutsilyo.

Nalaman na si Igig ay dating pulis-Quezon City na nasibak sa serbisyo dahil sa kasong grave misconduct na kinaharap sa Office of the Ombudsman noong 2010. ()