Umabot sa 167 infrastructure project na nagkakahalaga ng mahigit P486.3 milyon ang nasira sa iba’t ibang bahagi ng Baguio City dahil sa nagdaang mga pag-ulan noong Agusto at bagyong Ompong noong Setyembre ayon sa Baguio City Engineering Office (BCEO).
Ayon kay BCEO city engineer Victorio Olpindo, ang nasabing halaga ay ‘estimated cost’ para sa mga bahagya at ganap na nasira na mga public infrastructure project ng siyudad.
Ani Olpindo, ang mga report ng nasirang mga proyekto ay isinumite ng mga concerned department ng mga local government unit para sa posibleng pagpondo sa programang pag-sasaayos at pagpapanumbalik sa mga nasirang proyekto.
Ang BCEO ang namamahala para sa implementasyon at taga-monitor para sa imprastruktura ng mga kalsada, tulay at ng pagsasaayos ng mga kalsada sa mga liblib na lugar.
“We assure our residents and visitors we are trying our best to make sure our major city and barangay roads are free from obstructions, especially after the weather disturbances that affected the smooth flow of pedestrian and vehicular traffic,” ani Olpindo.
Ayon sa hepe ng BCEO, sinisigurado ng kanilang departamento na tutugunan nila at gagawin ang kanilang makakaya upang agad na tugunan ang problema ng siyudad at mga barangay upang maiwasan ang anumang problema sanhi ng kalamidad.