Nasunugan na, pinatay pa

truck-driver

Patay ang isang truck driver na umano’y may-ari ng bahay kung saan nagsimula ang sunog sa kanilang lugar sa Taguig City matapos itong pagbabarilin dakong ala-1:30 kahapon ng madaling-araw.

Bumulagta malapit lang sa nasunog nilang bahay sa AFPRSDS Compound Staging, Sitio Maliwanag, Brgy. Western Bicutan dahil sa mga tama ng bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa kanyang ulo at dibdib ang biktimang si Fruto Sta. Cruz.

May usap-usapan na posibleng konektado umano ang pamamaril sa tatlong oras na sunog na naganap dakong alas-5:36 kamakalawa ng hapon sa kanilang lugar kung saan ay 100 kabahayan ang tinupok ng apoy at 150 pamilya ang nawalan ng tahanan.

Ayon sa ilang residente, naiwanang nakasalang na sinaing sa kalang de-uling ang diumano’y naging sanhi ng sunog na nagsimula sa bahay ng biktima.