Naglabas ang Administrative Order No. 14 ang Office of the President upang gawing centralized ang pagbili ng mga sasakyan ng gobyerno.
Ipinagbabawal dito ang pagkuha ng luxury motor vehicle sa lahat ng national government agencies, kabilang na ang government owned or controlled corporations, government financial institutions, state universities and colleges at mga local government unit.
Ang mga luxury vehicle na pinagbabawal ng gobyerno ay mga sedan o hatchback na may engine displacement na lagpas ng 2500cc kung de-gasolina at 3500cc naman kung diesel o kaya ay may makinang lagpas sa 4 cylinder. Hindi rin puwede ang passenger van o pick-up na lagpas sa 2500cc ang engine displacement sa de-gasolina at 3000cc sa diesel o kaya’y higit pa sa 4 cylinder ang makita.
Sa AUV/CUV/MPV, ituturing itong luxury vehicle kung lagpas ng 2500cc ang engine displacement ng de-gasolina at 2800 kung diesel o lagpas ng 4 cylinder ang makina. Puwede pa ring bumili ng SUV basta’t hindi ito lagpas ng 2700cc sa gasolina at 3000cc sa diesel at hindi lalagpas ng 4 cylinder.
Exempted sa kautusang ito ang presidente at bise-presidente, gayundin ang mga sasakyang donasyon ng foreign government, bilateral at multilateral institutions; mga sasakyan ginagamit para sa foreign dignitaries at mga sasakyang binili gamit ang pondo mula sa official development assistance program.
Maganda ang inisyatibang ito ng Office of the President upang maipakita sa taumbayan na ang buwis na kinokolekta ay hindi napupunta sa maluluhong gastusan. Kaya lang, ang ganitong positibong balita ay natatabunan ng mga negatibong isyu, katulad na lamang ng kontrobersyang ibinabato kay Budget Secretary Benjamin Diokno.
Marami ang hindi nakakaintindi kung ano ang P75 billion insertion umano ni Diokno sa proposed P3.757 trilyong budget sa taong 2019. Pero ‘yung pamilya ng balae ng DBM chief na nakakuha umano ng maraming proyekto sa Sorsogon, ‘yan ang madaling maintindihan ng mga taxpayer.
Dumalo man o hindi si Diokno sa itinakdang imbestigasyon ng House committee on rules sa nasabing isyu, siguradong damay din dito ang administrasyong Duterte. Nakapanghihinayang lang na kahit may magandang nagawa ang pamahalaan, natatabunan naman ito ng negatibong isyu.