Dear Dream Catcher:
Napanaginipan kong naglalaro raw ako ng badminton pero hindi ko kilala ang kalaban ko. Takbo raw ako nang takbo at panay ang habol dahil magaling daw ang kalaban ko hanggang sa natalo ako. Iyon lamang ang naaalala ko sa panaginip ko hindi ko na maalala kung paano nagtapos ang panaginip ko basta alam ko masama ang loob ko dahil talong-talo ako ng kalaban ko. Sa panaginip ko, kilala ko ‘yung kalaban ko pero nang magising ako kahit tanda ko ang mukha niya ay sure naman ako na hindi ko siya kilala.
Rama
Dear Rama:
Ang panaginip na naglalaro ka ng badminton ay isang indikasyon na kailangan mong magrelaks sa aktuwal na buhay. Ang badminton ay isang enjoyable na laro at maaaring indikasyon din na nahaharap ka sa isang pagsubok sa buhay.
Ang pagkatalo mo sa paglalaro ay nagpapakita naman na posibleng sa aktuwal na buhay ay merong mga taong sumusubok sa kakayahan mo. Kailangan mong plantsahin anumang gusot sa paligid mo. Kailangan mong ma-overcome ang sitwasyon at maibalik sa iyo ang kontrol.
Ang iyong panaginip na takbo ka lamang nang takbo at habol nang habol sa bawat tira ng kalaban mo ay puwedeng indikasyon na maaaring may pinagdaraanan kang sitwasyon kung saan kailangan mong ingatan ang pagdedesisyon mo.
Kung sa iyong panaginip ay napokus ang atensyon mo sa shuttlecock at sa paghampas dito ng raketa, nagpapakita naman ito na kaya mong kontrolin ang emosyon mo. Pero mukhang kabaligtaran nga dahil wala kang nagawa kundi maghabol. Aralin mo ang iyong sitwasyon, alamin kung saan bahagi ka nakakaramdam ng ganito, na tila naghahabol at wala sa iyong kontrol ang mga pangyayari.
Puwede rin namang ang panaginip mo ay walang koneksyon sa aktuwal mong buhay sa halip ay indikasyon lamang na kailangan mong magrelaks. Posibleng nai-stress ka at kailangan mo lamang gumawa ng mga bagay kung saan magagawa mong ipahinga ang iyong isip.
Dream Catcher
***
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.