Natalsikan ng tansan Bungo ng sundalo pinasabog ng kabaro

Dahil lamang sa tumalsik na tansan at masamang titig, patay ang isang miyembro ng Philippine Army nang barilin umano sa ulo ng limang kalalakihan na kinabibilangan ng isa niyang kabaro at striker kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.

Isang bala sa ulo ang ikinasawi ni PFC Gerald Niko Del Pilar, aktibong miyembro ng Armed Forces­ of the Philippines (AFP) at nakatalaga sa MPBN HHSG, Fort Bonifacio.

Nadakip naman ang dalawa sa limang suspek na kanyang unang nakaalitan.
Kinilala ni Police Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police ang dalawa sa nadakip na sina Sgt. John Necesito, miyembro din ng AFP, na nakatalaga sa light reaction regiment, at Jepoy Arcilla, striker naman ng nasabing tanggapan.

Nakatakas naman ang tatlong hinihinala ring mga sundalo.

Sa pagsisiyasat, alas-2:35 ng madaling-araw, habang umiinom sa loob ng EJC Restobar si Del Pilar at nasa katabing mesa ang grupo ng nag-iinuman ding mga suspek ay natalsikan ng tansan ng beer si Del Pilar mula sa mga suspek na ikinairita ng huli.

Dahil lasing na’y kinom­pronta ng biktima ang grupo ng mga suspek na nauwi sa pagtatalo.

Naawat naman ang gulo ngunit nang lumabas na ng restobar ay muling­ sumiklab ang away na ikinasawi ng biktima. ­(Armida Rico)