Nataranta kami – Diana Carlos

Wala nang panahon para magdrama ang University of the Philippines dahil kailangan na nilang maghanda para sa Far Eastern University sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament.

Hindi nakaporma ang Lady Maroons sa University of Santo Tomas sa three sets at nalaglag sila sa 7-6 card sa fourth katabla ang Lady Tamaraws at National­ U.

Nanganganib na matapos na ang kampanya ng UP sa tournament kaya nasa must-win situation sila kontra Lady Bulldogs sa Miyerkules dahil kapag ­natalo sila ay uuwi na silang ­luhaan pabalik sa Diliman.

“Sabi namin ok lang ‘yan, meron pa kaming isang game wala na kaming time na magdrama pa kasi dalawang days lang ang pagitan,” saad ni Diana Carlos kahapon sa MOA Arena.

Galing sa back-to-back wins ang UP at aminado si Carlos na dahil dito ay naging kampante sila at nawala ang killer instinct nila.

“Well meron naman talagang ganyan, madalas na nangyayari, na galing ka sa panalo tapos nagiging complacent ka parang ganoon so ayun nga,” paliwanag niya.

Dikit ang laban sa umpisa pero nang makaalagwa na ang UST ay tila naging maamong tupa na ang Lady Maroons at ‘di na nakabalik kailan man.

“Hindi kami nakapag-execute nang tama siguro kailangan gustuhin namin ang laro sa Wednesday para makapag-execute kami,” saad niya.

“Sana (off night lang kami) pero it’s more of errors talaga eh at saka hindi kami lumaban, nataranta kami,” dagdag niya.