Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa sa plenar­yo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang National ID System o FilSys matapos itong isalang sa viva voce voting ­kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Laguna Rep. Sol Aragones, chairperson ng House committee on population and family relations, inaasahan na sa susunod na linggo ay maipapasa na sa ikatlo at hu­ling pagbasa ang panukala.

Base sa pinagtibay na House Bill 6221, ang mga Filipino na edad 18 pataas ay maoobligang kumuha ng ID sa Philippine Statistic Authority (PSA) na magagamit nito sa lahat ng transaksyon sa gobyerno.

Maglalaman ang ID ng mga impormasyon ng may-ari tulad ng araw ng kapanganakan, estado sa buhay, saan nakatira, saan at kailan ipinanganak, ­sino ang mga magulang, thumb mark at iba pa.

Ang numerong ibibi­gay ng PSA sa isang mamamayan na nakapaloob sa kanyang ID ay magagamit nito habambuhay at hindi ito maaaring gamitin ng ibang tao at libre itong ibibigay ng gobyerno.

Sinabi ni Aragones na kapag nawala ang nasabing ID ay maaari itong palitan ng PSA subalit mayroon nang bayad at kapag nagpalit ng address ay kailangang i-update ang impormasyon sa nasabing ahensya ng gobyerno.

Hindi na rin umano kailangan ang iba pang ID tulad ng Social Security System (SSS) o Government Service Insurance System (GSIS), Driver’s License at iba pang uri ng ID sa mga transaksyon sa gobyerno dahil ang FilSys na lamang ang ipapakita.