Nabuhay na naman ang isyu tungkol sa SIM card registration. Dumarami na naman daw kasi ang nangyayaring krimen gamit ang cell number ng prepaid sim cards.
Matapos magpanukala ng isang batas si Senador Sherwin Gatchalian na kailangang iparehistro ang lahat ng mabibiling prepaid sim, tinanong ng media ang Department of Information and Communications Technology (DICT) kung posible ba ito. Pero sinabi nitong mahirap ipatupad ang panukalang iparehistro ang lahat ng prepaid sim cards.
Ayon kay kay DICT Undersecretary Eliseo Rio, umaabot sa mahigit isandaang (100) milyon ang prepaid sim cards ang kailangang iparehistro sakaling maisabatas ang panukala ni Senador Gatchalian.
Inihalimbawa ni Rio ang pagpaparehistro ng mahigit sa limampung (50) milyong mga botante na inabot ng halos tatlong taon.
Katwiran ni Rio, hindi rin epektibo ang pagpaparehistro ng prepaid sim cards para maiwasan ang paggamit ng cellphone sa krimen kung hindi ito sasabayan ng pagsasabatas ng national ID system.
Nauna nang pinalagan ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, ang panukala na gawing mandatory ang SIM card registration dahil labag ito sa karapatan ng mga subscriber at karagdagan lamang ito sa pasanin ng mga gumagamit ng mga mobile phone.
Ayon kay Zarate, ang mandatory registration para sa mga prepaid mobile phone subscribers ay hindi sagot sa terorismo, krimen at karahasan sa bansa. Nakakatiyak, aniya, siya na papasanin ng mga subscribers ang magiging gastos sa registration oras na ito ay maging batas.
“Ang mga presyo ng SIM card at prepaid credit ay inaasahang tataas dahil papasanin ng mga telcos ang karagdagang gastos pero ang mga subscribers ay babayaran ang registration oras na maging batas ang panukalang ito,” pahayag ni Zarate.
Ang punto ni Zarate, ang 100 milyong prepaid user ng SIM card ay pipila pa ng mahaba sa ilang mga opisina ng NTC at kailangan pa ng mga valid IDs upang irehistro ang kanilang SIMs.
Isang OFW naman mula sa Singapore ang nagsabing kahit mga turista roon nire-register ang sim card at sa ilang taon na daw niya doon hindi kailanman sila nag-infringe ng privacy. Matatakot ka lang naman, aniya, kung may ginagawa kang kalokohan.
Sa Australia, hindi basta-basta nakakakuha ng sim card sa mismong bansa nila. Hindi sila basta-basta nakakabili ng cellphone doon. Eh, bakit ‘di naman nalalabag ang karapatan nila?
Tama ang DICT, useless ang sim card registration hangga’t hindi naipapatupad ang National ID. Kasi, paano mo hahabulin ang nakabili sim number at gumawa ng krimen kung wala kang data record sa lahat ng tao?
Maganda ang layunin ng batas pero hinay-hinay muna. Pag-aralang mabuti kung magiging epektibo ba ito.
CORRECT KA DYAN….SA IBANG BANSA GANYAN ANG PATAKARAN KAYA WALANG LUSOT MGA PASAWAY SA BATAS!!!!!