Binawasan ng bicameral conference committee ng P1.4 bilyon o 59% ang pondong inilaan sa ilalim ng 2020 national budget para sa implementasyon ng National ID system.
Nakakuha ng kopya ang online news site Politiko (politics.com.ph) ng niratipikahang bicameral conference committee report hinggil sa P4 trillion General Appropriations Act para sa susunod na taon at nabatid na mula sa orihinal na pondong P2.4 bilyon, nagpasya ang Kongreso na maglaan lang ng P1 bilyon para sa pagsisimula ng implementasyon ng National ID system.
“Delete the amount in words and figures ‘Two Billion Four Hundred Fifty Three Million Eight Hundred Fifty Three Thousand Pesos (P2,435,853,000)’ in lieu thereof insert the amount in words and in figures ONE BILLION PESOS (P1,000,000,000),” nakasaad sa inamyendahang probisyon ng 2020 national budget.
Matatandaang una nang nagpahayag ng pangamba si Senate President Pro Tempore Ralph Recto na maaaring magkaaberya sa paglulunsad ng National ID system dahil walang pondong inilaan dito sa “programmed portion” ng 2020 National Expenditure Program (NEP) na isinumite sa Kongreso noong Agosto. (JC Cahinhinan)