Pinaka-kulelat ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya kung ang pag-uusapan ay ang paghawak sa isyung panseguridad.
Ito ang inamin ni National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon kasunod ng panibagong isang taong extension ng Martial Law sa Mindanao.
Sinabi ni Esperon na kailangan ng bansa ang mas matalim na batas para masugpo ang terorismo at violent extremism lalo na sa rehiyon ng Mindanao.
Ayon sa kalihim, sa mga bansang Singapore, Malaysia, Indonesia at Australia ay maaaring idetine ang isang taong pinagsususpetsahan ng mula pito hanggang tatlumpung araw.
Pero sa Pilipinas aniya ay kailangang masampahan ng kaso sa loob ng 72 oras ang isang hinihinalang terorista o komunista, dahil kapag napatagal ng tatlong araw ay bubuweltahan ang mga awtoridad ng illegal detention at iba pang mga asunto.