Lahat ay ginagawa ng Premier Volleyball League (PVL) upang makatulong sa national men’s at women’s teams sa kanilang paghahanda sa 29th Southeast Asian Games sa darating na Agosto 19 hanggang 30 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Siniwalat ni Ricky Palou ng organizing Sports Vision kahapon sa PSA Forum sa Golden Phoenix Hotel, na nabig­yan si volleyball superstar Alyssa Valdez ng green light ng kanyang mother club Creamline na sumama sa Nationals sa 17-day training trip sa Japan sa susunod na buwan.

Umaasa rin si Palou sa clubs ng players sa men’s squad na payagan ding ­tumungo sa training trip nila sa Korea sa July din.

Pabibilisin din ng PVL na matapos agad ang Open Conference upang makapokus lahat kasama ang mga fans sa nasabing biennial meet.

Sa darating na Sabado­ magsisimula ang Open Conference.

“The Open Conference will be shorter than the Reinforced Conference because we want to finish before the SEA Games and allow everyone including the fans to concentrate there,” saad ni Palou.

Tanging si Valdez lang ang player ng national team na galing sa PVL habang 80 percent sa men’s team composition ay nagmula sa nasabing liga.