Ang namayapang si dating senador at Health Secretary Juan Flavier ang isa sa mga nanguna noon kontra sa paninigarilyo dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan.
Dahil sa kanya, naging bukambibig ng mga katropa ang katagang ‘yosi kadiri’.
Noon pa man, problema na talaga ang tumataas na bilang ng mga Pinoy na naninigarilyo bunga na rin ng isyung pangkalusugan. Batay kasi sa pag-aaral, maraming sakit ang nakukuha sa paninigarilyo tulad ng sakit sa baga, cancer, at iba pa.
Ang matindi pa nito, mga tsong, mga ka-DDS, pati ang mga hindi naman naninigarilyo ay nadadamay at nagkakasakit din dahil sa usok na kanilang nalalanghap mula sa buga ng yosi, na kung tawagin ay ‘second hand smoke’.
Batay sa ilang mga ulat, nasa 10 Pinoy bawat oras o 240 Pinoy bawat araw ang nagpapantay ang mga paa at nagiging mahimbing ang tulog na wala nang gisingan dahil sa mga sakit na may koneksyon sa paninigarilyo.
Bukod sa dami ng mga nagkakasakit at namamatay dahil sa yosi, malaking pondo rin ng gobyerno ang nailalaan sa mga ospital para ayudahan ang mga mahihirap na Pinoy na nararatay sa banig ng karamdaman dahil sa sunog-baga nilang bisyo.
Kaya naman noong nakaraang administrasyon, isinulong ang pagpapatupad ng batas na hindi lang itataas ang singil sa buwis ng mga yosi, maglalagay din ng mga nakadidiring larawan sa mga pakete ng sigarilyo na nagpapakita ng sakit na maaaring makuha sa yosi.
Simple lang ang layunin nito, mapataas ang presyo ng yosi para mabawasan kung hindi man tumigil sa paninigarilyo ang mga tao, lalo na ang mga mahihirap na wala ring pampagamot kapag sila’y nagkasakit.
Maliban sa usapin ng dumadaming Pinoy na nagyoyosi at nagkakasakit, nakakaalarma rin ang pagtaas ng bilang ng mga kabataan at maging ng mga batang Pinoy na maagang natuto ng bisyong ito. Kaya nagkaroon din ng paghihigpit sa mga anunsyo o ads, at pag-sponsor ng mga kompanya ng sigarilyo sa mga events na pangkabataan.
Hindi biro ang problemang hatid ng bisyong sigarilyo sa mga Pinoy kaya magandang hakbang para sa kasalukuyang pamahalaan ang pagpapatupad ng Executive Order na magpapatupad ng smoking ban sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng kautusang ito mula sa punong ehekutibo, inaasahang lalo pang maghihipit sa pagyoyosi sa mga pampublikong lugar tulad ng mga parke, mall, mga pampublikong paaralan, mga kainan o mga lugar na puntahan ng mga tao.
Kung mahigpit na ipatutupad ang kautusan, aba’y mababawasan malamang kung hindi man tuluyang mawala ang mga tao na parang pugon kung umusok ang nguso at walang pakundangan sa kapakanan ng iba. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(Twitter: follow@dspyrey)