NATIONWIDE CURFEW LAW IPAPALIT SA ORDINANSA

Ikinadismaya ng isang mambabatas ang naging desisyon ng Supreme Court (SC) nang magpa­labas ito ng Temporary Restraining Order (TRO) sa tatlong siyudad ng Metro Manila na nagpapatupad ng curfew ordinance subalit tiniyak na kanyang isusulong sa Kongreso na magkaroon ng isang pambansang batas para rito.

“It’s an ordinance, it should be honored hindi siya puwedeng i-TRO ang tagal-tagal na niyan,” reaksyon ni Bagong He­nerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy.

Sa en banc session ng mga mahistrado kahapon, nag-isyu ng TRO ang SC kaugnay sa curfew ordinance na ipi­natutupad ng Quezon City, Maynila at Navotas matapos maghain ng petisyon ang Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK).

Sa kanilang petis­yon, iginiit ng grupo na uncons­titutional ang curfew ordinance na ipinatu­tupad sa tatlong nabanggit na lungsod. Binigyang-diin pa nito na inabuso umano ng mga local go­vernment unit (LGU) ang kanilang kapangya­rihan partikular na ang pagdeteni sa mga menor de edad na nahuhuli sa curfew gayundin sa mga magulang na ikinukulong pa.

“Definitely there’s a need to implement it. Ako para sa akin for minors naman they have no business being in the street at that time… ‘Yun nga ‘yung iniiwasan natin hindi sila dapat nasa labas. Kaya nga ini-urge natin dito ‘yung magulang na i-supervise ang kanilang mga anak kasi nga you are trying to rescue the children. We don’t punish them, ang binibigyan ng consequences ‘yung magulang. Kasi ‘yung parents you have to strictly supervise your children… and if they are below 18 they are still children

They’re still need to be taken care of, bakit nyo pababayaan na paga­la-gala ang anak ninyo tapos ‘pag may nangyari sa labas,” pagpapaliwanag ng lady solon.

Sa katunayan umano isa siya sa bumalangkas ng ordinansa ukol sa curfew noong konsehal pa lamang ng Quezon City at bagama’t na-veto ito ng noo’y Mayor Feliciano Belmonte ay naaprubahan naman sa ilalim ni Mayor Herbert Bautista.

Pero, sa kabila ng TRO, pursigido uman­o ang congresswoma­n na isulong ang binabalangkas na panukalang batas para maipatupad ang nationwide curfew.

“Kasi sa akin ang move talaga because I’m crafting a bill to make it into a law kasi ang nangyayari siguro dahil bawat city kasi iba-iba ng time, iba-iba ng penalties so si­yempre siguro dun mahirap ‘yung portions na ‘yun so dapat uniform siya,” paliwanag pa ni Herrera-Dy.