Nationwide operation kontra pasaway na driver kinasa ng LTO

Magsasagawa ang Land Transportation Office (LTO) ng one-time bigtime at sanib-puwersang operasyon laban sa mga motorista na lumalabag sa mga batas trapiko simula ngayong araw.

Sa liham na pinadala ni LTO NCR–West Regional Director Atty. Cla­rence Guinto kay Natio­nal Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Police Maj. Gen. Debold Sinas, sinabi nitong gagawin ang operasyon sa 17 rehiyon sa bansa para sa mga nag-o-overloading, mga tricycle sa highway, over speeding at iba pang paglabag sa batas trapiko.

Humingi din ng tulong si Guinto sa pulisya, katuwang ang Highway Patrol Group, Department of Public Works and Highways, Metropolitan Manila Development Authority at iba pang law enforcement agency.

Nag-ugat umano ito sa naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa napag-usapan sa Cabinet meeting para mahigpit na ipatupad ang batas kontra sa overloading kasunod ng mga aksidente na nagresulta sa pagkamatay.

Kabilang dito ang aksidente sa Conner, Apayao province na nagresulta sa pagkamatay ng 19 na katao noong Oktubre 31. (PNA)