Umabot na sa Mindanao ang nationwide roll-out ng Fuel Marking Program ng pamahalaan, sa pagsisimula ng mar­king ng may 60 milyong litro ng diesel fuel sa Northern Mindanao Import Facility (NMIF) na minamantine ng Pilipinas Shell Petroleum Corporation, sa Cagayan de Oro noong Linggo, Nobyembre 24.

Ang naturang marking, na unang isinagawa ng Pilipinas Shell, ay sinaksihan ng mga opisyal ng Bureau of Customs at mga kinatawan mula sa project contractor na SGS-SICPA.

Sinundan naman ito ng preliminary inspection sa Davao terminal ng Phoenix Petroleum at Insular Oil ng Department of Finance, Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, at Department of Budget and Management.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, ang mga pet­roleum product na refined, manufactured, o inangkat ng Pilipinas, ngunit hindi limitado sa unleaded premium gasoline, kerosene, at diesel fuel ay kinakailangang lagyan ng official marking agent matapos na makapagbayad ng taxes and duties.

Pagsapit ng Pebrero 3, 2020, lahat ng gasoline, diesel at kerosene na inire-retail sa bansa ay inaasahang namarkahan nang lahat.

Sa kasalukuyan, nasa 435 milyong litro na ng mga pet­roleum product ang natapos nang lagyan ng marka.

Ang mga petroleum company na nagsimula nang sumailalim sa fuel marking ng kanilang mga produkto ay ang Seaoil, Pure Petroleum Corp., Phoenix Petroleum Corp., Unioil Petroleum Philippines, at buong network ng Chevron Philippines Inc., at Shell NMIF.