Nat’l volleybelles todo sa SEAG medal

Sinuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang national women’s indoor volleyball team sa 12-day Japan training camp bilang paghahanda sa muling pagsungkit ng medalyang ginto sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa bansa Nobyembre 30-Disyembre 11.

Binigyan ng government funding arm sa sports, sa pangunguna ni PSC Chairman William ‘Butch’” Ramirez at apat na commissioner, ng P1.7 milyon ang national training pool upang gastusan ang lakad sa Land of the Rising Sun at magpalakas para sa 11-nation, 12-day sportsfest.

Nagtungo ang koponan sa Tokyo nitong Sabado upang masubok ang mga commercial team Kashiwa Angel Cross, Yamanashi Chuo Bank, Gunma Bank Green Wings, at Hitachi, at collegiate teams Nittai University at Aoyama University.

“We know that Japan is the gold standard in Asian volleyball. They may not be tall, but they are quick, tactical and very disciplined,” sabi ni Ramirez, na isa ring mahusay na basketball coach at naging player sa Ateneo de Davao University bago pinangunahan ang government sports agency.

“That’s why we’re throwing our all-out support to this training camp. We feel that with just the right training program and exposure winning a medal in the SEA Games will be very possible.”

Kahit sobrang sikat, ‘di pa rin maipakita ng women’s volleyball team ang dominasyon at magandang kampanya sa international arena.

Tapos iuwi ang medalyang tanso sa 23rd SEA Games 2005 sa Bacolod City, ‘di na nakasali ang mga kababaihan sa sumunod na apat na edisyon ng bago nakabalik sa Singapore 28th SEAG 2015 at nitong 2017 sa Indonesia. (Lito Oredo)