Natulog sa master’s bedroom, construction boy kinulong

Matapos mag-`feeling’ may-ari ng bahay, arestado ang isang 18-anyos na construction worker nang pinasok nito ang isang bakanteng bahay, natulog sa master’s bedroom at kumain pero minalas na mabuking nang dumating ang totoong may-ari ng bahay sa Silang, Cavite.

Kasong qualified trespass to dwelling at malicious mischief ang isinampa laban kay Roderick Almoajele, binate, taga- Camella Alta, Brgy Biga 1, Silang Cavite dahil sa reklamo ni Mailene Aroyyo, 42, may-asawa, ng Camella Alta, Brgy Biga 1, Silang Cavite.

Sa ulat ni PSSgt. Aries Mendoza, ng Silang Municipal Police Station, alas-5:30 kamakalawa ng hapon nang bitbitin ng mga operatiba ng Silang MPS ang suspek nang maaktuhan ng mag-asawang Arroyo na nasa loob ito ng kanilang bahay.

Nauna dito, nabatid na bago nagsimula ang ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay hindi na nakabalik sa kanilang bahay sa Camella Alta ang mag-asawa hanggang sa naisipan nilang bumisita dakong alas-3:00 kamakalawa ng hapon.

Gayunman, nabigla sila sa pag-uwi nang mapuna nilang sira ang padlock sa likurang bahagi ng kanilang bahay at pag-akyat ng mag-asawa sa kanilang kuwarto ay nadatnan nila ang suspek na natutulog at walang saplot pang-itaas.

Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang mag-asawa sa mga guwardiya ng subdibisyon at inaresto nila ang suspek.

Ayon kay Mendoza, bukod sa pagtulog ng suspek sa Master’s bedroom ng ilang araw na ay nagluluto pa ito ng mga naiwang pagkain sa bahay.

Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa Silang Custodial Center. (Gene Adsuara)