Bibitbitin ni national coach Yeng Guiao ang buong 16-man pool ng Team Pilipinas sa pagdayo sa Iran para sa unang laro sa second round ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Lunes nang gabi aalis ang Team Pilipinas, ihahayag ni Guiao ang final 12 bago harapin ang Iranians sa Setyembre 13 sa Azady Gym sa capital city na Tehran.
Hindi kailangang ang final 12 sa Iran din ang gagamiting roster kapag ini-host ng Pilipinas ang Qatar sa closed-door game sa Smart Araneta Coliseum sa Setyembre 17.
Binigyan ng FIBA ng exception ang kaso ng eligibility ni Greg Slaughter, maglalaro na bilang local ang Ginebra slotman. Toss-up na lang kina Christian Standhardinger ng San Miguel at Stanley Pringle ng NorthPort kung sino ang tatapikin ni Guiao bilang naturalized player.
Ang iba pa sa pool ay sina Gabe Norwood, Beau Belga, Raymond Almazan, Paul Lee, Poy Erram, Asi Taulava, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Japeth Aguilar, Ian Sangalang, Allein Maliksi at Matthew Wright.
Magkakaroon ng isang tune-up game ang Nationals kontra PBA D-League selection IECO Green Warriors na pangungunahan nina Gab Banal at Jai Reyes ngayong Linggo sa Meralco gym.
Isang praktis pa ulit ng Team Pilipinas, Lunes nang umaga bago tumulak pa-Iran kinagabihan.