Mga ka-Misteryo nakakita na ba kayo ng demonyo? Paano kung makikita niyo ang demonyo sa tabi ng inyong anak?
‘Yan ang paksa natin ngayon, “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Mismong si Ronnie ng Marikina ang nakakita ng mga maliliit na demonyo na nakapaikot sa kanyang anak habang natutulog.
Ito ang inusisang mabuti ng #Misteryo kay Ronnie.
Misteryo: “Paanong nagsimula ang pagpapakita ng mga demonyo at pumaikot pa sa natutulog mong anak.”
Ronnie: “Katatapos namin maghapunan ni misis kaya’t naisip kong samahan ang anak kong natutulog sa kanyang silid. Nang masindak ako sa nakita ko – nagsasayaw paikot sa anak ko ang pitong maliliit na demonyo.”
Misteryo: “Anong hitsura ng maliliit na demonyo. Buti hindi sinaktan ang anak mo?
Ronnie: “Para silang si hellboy pero maliliit, pula ang kulay ng kanilang balat na nakahubad, may sungay at mahabang buntot. Hindi naman sinaktan ang anak ko pero alam kong nakikita niya rin ang mga ‘yun kahit tulog siya kasi bigla-bigla siyang gumagalaw.”
Misteryo: “Nung makita mo ang mga demonyo, may narinig ka ba sa kanila? May sinabi ba sila? Sabi mo nagsasayaw sila paikot sa anak mo? Hindi naman kaya parang ritwal nila ‘yung ginagawa sa anak mo?”
Ronnie: “Wala akong maintindihan sa sinasabi nila pero may chant sila kaya nga kinabahan ako. Nagdasal ako tinawag ko si St Michael kasi alam ko warrior angel siya.”
Misteryo: “Anong nangyari nang magdasal ka? Dumating ba si San Miguel Arkanghel?”
Ronnie: “Nakapikit ang mga mata ko pero alam ko may malakas na liwanag na tumama sa silid ng anak ko at nangilabot ang buong katawan ko kaya nang magmulat ako ng mga mata, wala na yung mga demonyitong nagsasayaw paikot sa anak ko.”
Misteryo: “Mula ba noon hindi na naulit ang pagpapakita ng maliliit na demonyo sa anak mo?”
Ronnie: “Salamat sa Diyos hindi na nagpakita ang mga demonyo. ‘Pag nagkataon baka na-possess na anak ko.”
Maraming nangyayari sa ating buhay na hirap paniwalaan pero anumang oras ay maaari nating maranasan. Kaya’t ang payo lagi ng #Misteryo wag bibitaw ng pananalig sa Diyos.
***
Para sa inyong mga kuwentong karanasan ng kababalaghan, mag-email sa TeamMisyeryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at abante.com.ph.