uaap-79-womens-up
Tinakbo ng medic ang namimilipit sa sakit na si UP libero Ira Gaiser (12), sapu-sapo ang kaliwang tuhod. Naka-stretcher na inilabas si Gaiser, napasama ang tapak at umalog ang tuhod sa first set lang ng 25-23, 25-17, 22-25, 18-25, 15-12 loss ng Lady Maroons sa NU Lady Bulldogs kagabi. (Jhay Jalbuna)

Sa huling asignatura sa first round, nakalsuhan ng Lady Bulldogs ang three-game skid at nakibuhol sa biktimang Lady Maroons, FEU at UST sa pare-parehong 4-3 cards.

Pinamunuan ng 18 points ni Jaja Santiago ang NU, may 15 si Jorelle Singh at umayuda ng 12 si Risa Sato.

“Winning this game, medyo babalik sila sa right senses nila,” bulalas ni Lady Bulldogs coach Roger Gorayeb. “Balik ang tiwala nila.”

Sa first set lang, bagsak si Lady Maroons libero Ira Gaiser nang mapasama ang tapak at umalog ang kaliwang tuhod. Namimilipit sa sakit na napahiga si ­Gaiser, inilabas sa stretcher at isasailalim­ sa evaluation.

Inari ng NU ang first at second sets, pero nakabalik ang UP para tuhugin ang sumunod na dalawa at makapuwersa ng decider.

Lamang pa ang Lady Maroons, 10-6, sa fifth, pero ayaw bumitaw ng Lady Bulldogs hanggang itabla ang laro sa 12-12 at lumamang sa service ace ni Sato.

Binutata ni Santiago si Nicole Tiamzon para sa match point, bago sinelyuhan ng isa pang service ace ni Sato ang panalo.

Nagsumite ng 20 points si Marian Buitre sa UP, may 18 si Diana Carlos at tumapos ng 15 si Tiamzon.

Sa unang laro, ginawang tuntungan ng UE ang 25-22, 20-25, 25-17, 25-18 panalo laban sa Adamson at sa pampitong subok ay kinubra ang unang ‘W’ ngayong season.