Sa ginawang imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso patungkol sa drug trade sa National Bilibid Prison (NBP) ay maraming sikreto ang nabunyag, lalo na sa usapin kung bakit namamayagpag ang operasyon ng iligal na droga sa bansa.

Pangunahing natumbok na dahilan ng patuloy na operasyon ng iligal na droga ay ang malayang pagpapagamit ng cellphone sa mga bilanggo na siyang ginagamit sa transaksyon ng mga sindikato ng iligal na droga.

Sa totoo lang ay hindi na kailangan pang magsagawa ng kung anu-anong imbestigasyon ng Senado at Kamara para silipin ang mga pagkukulang sa NBP at partikular ng Bureau of Corrections (BuCor) para alamin kung bakit hindi mapatigil ang operasyon ng iligal na droga.

Pero kinailangan pang ipamukha sa mga pinuno ng BuCor at NBP ang dahilan kaya mabuti na rin lang at nangyari ang imbestigasyon upang malaman ng taumbayan kung papaano kapabaya ang mga naitatalagang mga pinuno ng BuCor at NBP.

Subalit nangyari na ang lahat, naugat na ang rason at mismong mga sangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa NBP ang umamin na ang cellphone ang pangunahing rason kung bakit tuloy ang maliligayang araw ng mga drug lords sa piitan.

Kaya sana ay kumilos na ang mga taga-BuCor, NBP at gawin ang kanilang tungkuling samsamin ang lahat ng cellphones at iba pang communication gadgets sa loob ng bilangguan upang matigil na ang operasyon ng iligal na droga sa loob at labas ng Bilibid.

Kung ang kaliit-liitang mga kontrabando ay nagagawang makumpiska ng mga tagapagbantay ng BuCor, wala akong nakikitang dahilan kung bakit hindi nila kayang kumpiskahin ang mga cellphones.

Ang aming panawagan sa mga taga-NBP at BuCor, huwag na kayong magpalusot at huwag nyo na ring pahirapan ang inyong mga sarili na mag-isip kung papaano mapapatigil ang drug trade sa Bilibid dahil alam n’yo naman talaga kung papaano pero nagdededma-dedmahan lamang kayo para hindi matigil ang pag-agos ng salapi diyan sa Bilibid.