Matapos ang higit sa isang linggong pagluluksa ng pamilya, inihatid na sa huling hantungan si Mitzi Joy Balunsay ang dapat sana’y 2nd year incoming Tourism student ng Cavite State University main campus sa Indang, Cavite na natagpuang pinagputul-putol ang bahagi ng katawan at isinilid sa sako ng bigas at kahon ng electric fan noong umaga ng Enero 6 sa Brgy. De Ocampo Trece Martires City, Cavite.
Pasado alas-tres ng hapon, kahapon, ng dumating sa Manila Memorial Park sa Dasmariñas City Cavite ang convoy na sinasakyan ng kabaong ni Mitzi Joy, nakaputing kamiseta at may hawak na mga puting lobo sagisag ng patuloy na paghingi ng hustisya ang mga kaanak at kaibigan ni Mitzi Joy.
Bago tuluyang ilibing ay nagdaos ng simpleng programa ang Shiloh Christian Ministries International.
Bagama’t naaresto ng pulisya ang suspek na si Alvin Delos Angeles, na dati ring kasintahan ni Mitzi Joy, hindi pa rin matanggap ng pamilya ang karumal dumal na kamatayang sinapit nito at sinabing babantayan nila ang kaso hanggang sa maibaba ang hatol sa naarestong suspek sa krimen.
Emosyunal din ang Ina ni Mitzi Joy na si Marivic, na dumating nito lamang nakalipas na Biyernes mula Riyadh Saudi Arabia upang abutan ang paghahatid sa huling hantungan ng panganay niyang anak.