BENTA sa amin ‘yung dayalog ni Katrina Halili na para siyang nilalamon ng lupa sa tuwing kaeksena niya si Jaclyn Jose.

Katrabaho ni Katrina ang Cannes Best Actress winner na si Ms. Jaclyn sa afternoon Kapuso soap na D’Originals.

Masaya sila sa set, sabi ni Kat, at lagi silang magkasama sa tent ng premyadong aktres.

Pero dahil ang role niya ay kabit ng mister nito na si Jestoni Alarcon ay lagi silang nagbabangayan ni Ms. Jaclyn.

“Kasi minsan, grabe ‘yung mga linyang sinasabi ko. Tapos minsan, mag-a-ad lib si Ms. Jaclyn. Tapos, matutulala ako na ganu’n na, ‘Kailangan sumagot ka, sumagot ka!’

“Sasagot naman ako. Pagkasagot ko sa kanya, para akong nasaksak. Tapos, napapasigaw ako sa sarili ko.

“Kasi, ayoko rin namang maglinya na wala sa script. Baka sabihin niya, ‘Tarantado ‘to, ah!’ Ha! Ha! Ha!” tawa ni Katrina.

Nakatrabaho na niya dati si Ms. Jaclyn sa isang episode ng Magpakailanman, pero nanay niya ito roon.

Sa D’Originals ay magkaribal sila kaya palagi silang nag-aaway at nagkakasakitan.

Hirit namin kay Kat, dapat hindi siya nagpapakabog dahil siya ang kabit, ‘di ba?

“Kaya nga po ako ninenerbiyos. Para akong nauubusan ng hangin (‘pag kaeksena si Ms. Jaclyn).

“‘Pag nasabi ko na ‘yung lines ko, napapahiyaw ako ng, ‘Woohh!’

“Gaya nu’ng nag-aaway kami minsan. Nag-ad lib siya. Puwede naman kasing magdagdag ng linya, eh. So, nagdagdag siya.

“Sabi niya, ‘O, ba’t hindi ka pa umaalis dito?’ Sabi ko, ‘Paano ako aalis, nakaharang ka?

Ang laki mo kaya!’

“Pag-alis ko talaga, sabi ko, ‘Woohhh!!’ Nakahinga ako. Ha! Ha! Ha!”

Mas pisikalan na ang mga eksena dahil nahuli na siya ni Ms. Jaclyn na kakuyangyangan ang asawa nitong si Jestoni.

May sapok at sabunot, pero hindi totohanan.

Sexy comedy ang D’Originals, kaya sey ni Kat, kung may love scene man sila ni Jestoni rito ay hindi sobra dahil bawal ‘yon sa hapon. So, daya-daya lang.

Sa totoong buhay ba, kaya ni Katrina ang ku­mabit sa isang lalaking may asawa?

“Hindi. Dahil unang-una, bawal ‘yon. Panga­lawa, siyempre may Katie ako.

“Kaya nga binabago ko ang sarili ko dahil ayokong mangyari sa anak ko at sasabihin sa akin, ‘Kasi, ginawa mo ‘yan!’ Babae pa naman ang anak ko.”

Eh kung mahal niya ‘yung lalaki at nahulog na talaga siya?

“Sa ngayon, parang hindi ako mahuhulog nang sobra sa lalaki. Mahal na mahal ko ang sa­rili ko para mahulog ako sa lalaki. Hindi talaga!”